Wednesday, February 23, 2005

Nagpapanggap na hardinera

Nakita kita sa gilid ng sidewalk, nalalanta. Pinulot kita. Hindi naman ako hardinera, pero tinanim kita ulit, diniligan, inalagaan. Kinakausap pa nga kita araw-araw. Hindi kita pinabayaan. Umaasa akong isang araw makita kong ngumiti sa akin ang mga bulaklak mo o kahit kumaway lang ang mga dahon mo. Gusto na kitang makilala.

Pero isang araw nang puntahan kita para diligan, may nauna na sa akin. Kinakausap ka rin niya gaya ko. Kinabukas inagahan ko ang pagpunta ko sayo para maunahan ko siya. Pero wala na akong nadatnan. Hinanap kita. Hinanap ko siya.

Nagkabungguan kami isang araw at tinanong ko siya kung nakita ka niya. Sabi niya inilipat ka daw niya ng pwesto kasi sa maling lupa kita itinanim. Kaya daw hindi ka tumutubo. Sinamahan niya akong bisitahin ka. Laking gulat ko, nakangiti na ang mga bulaklak mo at kumakaway na rin ang mga dahon mo. Pero ang mga kaway at ngiti ay di para sa akin.

Hahayaan na lang ba kitang lumago sa kamay ng iba?

1 Comments:

Blogger bananaducky said...

Ay, tagos sa buto.

8:56 AM  

Post a Comment

<< Home