Thursday, December 15, 2005

Bulalakaw

Ang hirap mo namang abangan, mahirap abutan. Lahat na ng oras sinubukan ko na - umaga, tanghali, hapon, gabi, gabing gabi at hating gabi. Minsan maaga ako, minsan nahuhuli. Dati rati naman lagi tayong nagkakaabutan a, bakit ngayon lagi tayong nagkakasalisi?

Sinusubukan ko naman talaga. Nagkakataon lang na may mga pangyayari na hindi sakop ng aking kontrol. Tulad kanina, may nakasalubong akong taong hindi inaasahan. Napilitan lang ako. Nang makaalis na ako, wala ka na rin. Mukhang kakaaalis mo lang, nakakainis!

Para kang bulalakaw na inaabangan, hinihintay para sa isang sulyap lang. Hihintayin mo buong magdamag - kahit inaantok ka na - para sa isang saglit ng ligaya, para sa isang ngiti at pagbati mo. Pero pumikit lang akong saglit, dumaan ka na pala.

Monday, December 12, 2005

Putik sa Kuko

Naalala ko lang na matagal na panahon na pala akong hindi nagsusulat sa Filipino dito sa blog ko. Hindi ko rin talaga alam ang dahilan. Parang binabalikan ko ata ang mga bagay na nakalimutan ko nang gawin - pangunahing halimbawa ang paggising ng maaga at maglakad.

Noong nakaraang biyernes nagkaroon ng unang finals ang LAYB at siyempre saan pa gaganapin kung hindi sa main library at hulaan niyo ang oras- 5 am! O diba? sobrang saya! At dahil dun naranasan ko na ulit ang gumising ng maaga, maligo habang nangangatog ang tuhod at maglakad na hinahangin ang buhok ng malamig na hangin.

Dahil din sa finals ng LAYB, naalala ko rin ang konsepto ng "Show don't tell" pagdating sa pagsusulat. Kung sa bagay di ko naman talagang nalimot yun, pansamantala lang nawala sa aking 'consciousness' haha ;)

At pagkatapos ng isang maulang finals, bumaba na kami ng main library para magbreakfast sa Mcdo. Ewan ko ba kung bakit naka-high-heels ako nung araw na yun at hirap na hirap akong maglakad dahil madulas ang konkreto dahil sa ulan.

Kaya naman noong umabot na kami sa banda ng Carabao Park, hinubad ko na ang aking sapatos at naglakad ng nakayapak. Ibang klaseng kalayaan ang pakiramdam ng semento sa talampakan ko, wala akong pakialam sa mga taong nakatingin o sa 'germs' na posible kong makuha. Parang katulad ng pakiramdam ko ng nagpaa ako sa maputik na 'landscape' ng Caliraya at ramdam na ramdam ko na sumusuot ang putik sa kuko ko at sa pagitan ng mga 'toes' (sorry di ko alam ang Filipino ng toes).

Masarap na hindi mo kailangang maging malinis at maayos sa lahat ng oras. Paminsan minsan masarap mag-paa at tumapak sa lupa, sa putik, sa semento. Masarap ang patak ng ulan sa buhok ko, sa damit at sa mukha. Masarap maging magulo at magulo habang wala kang pakialam.

Kaya lang nung malapit na kami sa tawiran, kailangan ko nang magsuot ng sapatos uli. Ayon. It was fun while it lasted. Sana maulit muli.